Sunday, June 14, 2009

Turistang Hindi Mapakali


Turistang Hindi Mapakali
(Istranded sa Kish Island, Iran – Part Two)
ni Amos Tarana



Gumigising ng maaga
upang mauna sa paligo
bago maubos ang mainit
at malansang tubig na inipon
sa maliit at kinakalawang na timba.
Mayamaya’y pipila na ulit
upang matikmang muli
ang limbreng almusal
na nakabalot sa plastik bag –
lama’y isang istayropor na baso,
tsaa na di maunawaan ang lasa,
kapiranggot na palaman
at ang nakakapanugat
gilagid na tinapay
na kilala sa katawagang
“tsinelas”.

Pagkatapos mag-almusal
ay magsisindi ng sigarilyo,
sa bawat hithit ay aalalahanin
ang kalagayan ng mga mahal
sa buhay sa pinas,
ang trabahong naiwan
na sigurado’y tambak na ulit
kapag binalikan
at ang mga mabubuting
kaibigan na nagpahiram
ng perang pambaon.
Sa bawat buga’y
isinasabay sa usok ang pag-sambit
ng mithiing “sana ay mailabas na
ang pinakahihintay
na employment (o tourist )visa”.

Makikibalita sa mga kasama
sa kuwarto kung ano na ang kalagayan
ng kanilang hinihintay na visa.
Makikisaya kung may kasamang
Nakatanggap na ng visa
at kung hindi naman
ay makikipagyabangan
sa kausap at sasabihing
“Wala ka sa akin,
isang buwan lang kasi inabot mo dito.
Ako, dito na yata ulit makakapag-asawa.
Pangalawang buwan ko na kasi ngayon dito”
Sabay tatawa at ituturo
ang bulsang wala nang lamang pera.

Kaya’y magtitiyaga na lang muna
sa pamimingwit ng maliliit na isda
sa dagat upang may mailuto
at makain sa pananghalian,
suwerte kung may matira
may pagsasaluhan sa hapunan.
Makikipagkaibigan sa mga kabayang
bagong dating baka sakaling
makatagpo ng nakakaunawa at mapera –
iyong tipong nagpapautang
at nanlilibre sa pagkain.
At kung walang makita
ay surot sa kama, upuan at kurtina
na lang ang hahanapin at pagdidiskitahan.

Matutulog, gigising, kakain,
Makikipagkuwentuhan maghapon magdamag,
maghahanap ng duduruging surot,
mamimingwit ng maliliit na isda,
magsisindi ng sigarilyo,
maghahanap ng mga bagong kaibigan.
Magbababad sa shishahan,
titikman ang lahat na flavor,
hihithitin ang makapal
ngunit maputing usok,
at sa pagbuga nito ay isasabay na rin
ang lungkot, sama ng loob,
pagkainip, problema
at panalangin na sana’y
dumating na ang visa
at sa islang ito ay makalaya na.



Farabi Hotel
Kish Island Iran
Nob. 1, 2008

No comments:

Post a Comment