Saturday, July 4, 2009

Mabuti pa ang Bato


Mabuti pa ang Bato
Ni Amos Tarana


Mabuti pa ang bato –
matigas. Itapon man sa itaas
at sa lupa’y bumagsak –
‘di mababasag.

‘Di tulad ng aming loob –
marupok. Kapag si bunso’y
matisod at makalunok ng bilog –
loob nami’y madudurog.

Mabuti pa ang cash machine –
sagana. Sa maghapon magdamag,
labas pasok ang pera –
‘di pumapalya.

‘Di tulad ng aming bulsa –
laging walang lamang pera.
Ang kada-buwang pagsisikap –
ubos lahat sa padala.

Mabuti pa ang rebulto –
matatag. Sa gitna ng init,
lamig at sandstorm –
‘di natitinag.

‘Di tulad ng aming katawan –
maselan. Sa dahas ng panahon,
nagkakasakit at napapagod –
ulo ay napapanot.

Hindi kami bato, cash machine
o rebulto. Kami’y mga simpleng
tao – isang hamak
na OFW.




ika-30 ng Hunyo 2009
Al Satwa, Dubai

2 comments:

  1. Tama ka kaibigan, "hindi tayo bato, cash machine o rebulto... tayo ay mga simpleng tao, isang hamak na OFW."

    Mabuhay ang Lahing Pilipino at mabuhay tayong mga OFW.

    ReplyDelete
  2. Salamat sa pagbabasa The Pope. Ang OFW ay may puso rin, atay at balunbalunan...may damdamin din na marunong masaktan hehehe

    ReplyDelete