Monday, February 14, 2011

Kung Ikaw ay Dalaga at Ako ay OFW


Kung Ikaw ay Dalaga at Ako ay OFW

Ni Amos Tarana


Kung ikaw ay dalaga at ako ay OFW,
Ako kaya'y iibigin mo?

Larawan ko lang
Ang iyong magiging kahalikan,
Sa Skype lang masusulyapan
At sa Facebook ang madalas
Nating magiging tagpuan.

Sa gabi'y magtitiyagang tumingala
Sa maliwanag na tala
At ang bawat pagnanasa
Ay kagat labing iaasa
Sa malambot at maluwag na kama.

Bakod na karagatan
At katawang tigang
Ang sumpang ating makakalaban
Nariyan din ang mapanuksong ahas
Na mangangako ng kaginhawaan.

Kung ako ay OFW
At magnanasang masarili ang iyong puso,
Ako pa kaya'y pagbibigyan mo?



14 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Babala

Babala
Ni Amos Tarana


Hindi lang ang pagtawid
Sa "Huwag Tatawid Nakamamatay"
Ang nakamamatay.

Mas nakakapanlamig balat
At nakakalagot hininga
Ang magpigil dila
At magpabundat ng tiyan
Sa harap ng pandaraya't
Nakawan.

Hindi marunong magbiro
Ang konsensya -- nananagpas
Ng leeg kapag 'di agad-agad
Pinakinggan.

Panatag ang loob n'ya
Sa taong ipinagsusumigawan
Ang kabulukan
Ng mga iginagalang.

Ginhawa ang kanyang ganti
Sa nagmamatapang-loob
Tuwing ang karamiha'y
Nagtatapangtapangan lang.

Tandaan ang bagong babala:

Marunong kumalabit ng baril
Ang konsensya, mag-ingat
Baka puso'y tamaan

At mapabalitang

Nagpatiwakal.



11 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Sunday, February 6, 2011

Pag-ibig na Hatid


Pag-ibig na Hatid
ni Amos Tarana


Pag-ibig na hatid
'Di maaampat
o kaya'y mapapatid
na para bang pagdagsa
ng mga kabayan
sa lupaing 'di n'ya batid.

'Di maaampat
na lalo pang nag-uumapaw
tulad ng mga kabayan
na ngayo'y sa POLO-OWWA
hindi magkamayaw.

Pag-ibig na ito'y
'Di mabibilang
sapagkat singdami,
singlawak at singlaki
ng bilang ng mga kabayang
dinudugasan ng agency.

Dahil pag-ibig 'di mabilang,
walang sisidlan
na maaari pang paglagyan.
Tumpak na maikukumpara
sa listahan ng mga kabayang
minaltrato't hinubaran
ng mga among tinitiis --
pinagsisilbihan.

Pag-ibig na hatid
ay bukal ng pangarap
'di matutuyo, 'di masasaid.
Walang pinagkaiba
sa tatag at pagsisikap
ng mga kabayang
nasanay na sa pagpapahirap,
kapabayaan at pasakit.

Pag-ibig na ito
sa bawat sandali,
sa hirap at ginhawa
ay hindi mapapakali.
Kakatok at kakatok
sa tarangkahan ng iyong puso
kahit na dumating pa
ang panahong si kabayan
sa Pilipinas (buhay man o patay)
ay tagumpay na makauwi.



5 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Takbo para kay Kabayan


Takbo para kay Kabayan
ni Amos Tarana


Takbo. Kabayan, takbo!
Sagipin ang kabayang
naghihingalo.

Dugtungan, dugtungan
buhay ng kabayang
ipinagsapalaran sa dirhamo.

Takbo. Kabayan, takbo!
Imulat ang kabayang
bulag sa katotohanan ng mundo.

Paunlarin, paunlarin
kaisipan ng kabayang
sa pakikibaka'y atrasado.

Takbo. kabayan, takbo!
Palayain ang kabayang
sa POLO-OWWA nakakandado.

Paginhawain, paginhawain
katawan ng kabayang
bugbog sa pagmamaltrato.

Takbo. Kabayan, takbo!
Tumakbo para sa kabayang
pinagkaitan ng karapatang pantao.

Huwag titigil, huwag titigil
hanggat ang karamihan ay manhid
sa pagpapahirap ng tao sa tao.

Takbo. Kabayan, takbo!



21 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE

Kung Ako ay may Baril



Kung Ako ay may Baril
ni Amos Tarana



Kung ako ay may baril
ilang bungo ng mga diyablo
kaya ang pasasabugin?

Ako'y 'di magdadalawang isip
na agad lipulin
lahi ng mga diyablong
sa kayamanan ay sakim.

Uusigin ng aking bala
ang pamahalaang bugaw
na sa dugo at pawis
ng mga kababayan ko'y
nagsasamantala't uhaw.


Kung ako ay may baril
Malacanang, Kongreso,
Korte Suprema, Senado,
Crame at Aguinaldo
ay aking lulusubin;
lahat na may utang na dugo,
mandaraya't sinungaling doon
ay aking uubusin.

Susunduin ng aking bala
ang pagsikat ng pulang umaga
na siyang magpapangindapat
sa sambayanang 
kalayaan ay ganap.

Kung ako ay may baril
bungo ng mga anghel
na rin siguro ang kapiling -
sa payapang langit
nakahimlay na mahimbing.

Ngunit ako'y walang baril
armas ko lang ay papel
at bolpen.

Sana nga lang, ako ay may baril.




18 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE 



Ang Pakiusap ni Bunso


Ang Pakiusap ni Bunso
ni Amos Tarana


Kaliwa't kanang sumahimpapawid
ang angas ng mga kababayang
naiinggit.
Yes, sila'y ngitngit sa inggit
palibhasa mga pobre -
sanay maglakad sa kalye
ang mga tulo laway
sa kuya ko na may magarang kotse.

Korek nga, mamahalin ang kotse
ng kuya kong presidente
alangan naman kasi
sa katulad niyang disente
ang makitang nakasakay sa taxi,
bus, LRT o makipagsiksikan sa MRT -
tumaas pa naman ngayon
ang pamasahe.

Ang kuya ko'y tao lang
pero 'di tulad ng karamihan
ipinanganak yata kaming mayaman.
Kaya naman please lang
huwag nang pagtakhan
kung magagarang kotse,
de-kalibreng baril
at mga pangbold star na babae
ang ituring niyang
pang-stress free.

Tigilan na ito ha
ang pagsasabing "walang pakiramdam"
sa kuya kong, utang na loob naman,
siya na ngang pag-asa ninyo
para makaahon sa kahirapan.
'di nga ba't kayo ang pumili sa kanya
na magdrive sa inyo
patungo sa ginhawa?

Isipin n'yo na lang, naka-porsche kayo
ang sosyal 'di ba?



17 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE

Sa mga Umagang Walang Tiktilaok ang Manok


Sa mga Umagang Walang Tiktilaok ang Manok
ni Amos Tarana


Alingawngaw ng aircon ang kakambal
ng katahimikan
sa mga umagang walang tiktilaok
ng manok - sa umagang
nauuna ang pagsikat ng araw
kaysa sa takbo ng orasan.

Wala man lang batingaw ng kampana
ang mga simbahan sa paligid.
Walang tunog ng makinang pinapainit
bago ipasada
o kaya'y kaluskos ng mga aleng
naghahanda papunta sa pamilihan.

Nakasanayan na ring walang pandesal
at kapeng barako sa almusal.
'di na rin maalala ang lasa
ng sinangag at tapang taal.

Wala nang luntiang matatanaw
mula sa bintana
pati ang aleng nagtitinda ng puto
at mamang naglalako ng taho.
Wala na rin si ineng na maagang
naglalakad papunta sa eskwela.

Sa google-alert na lang tuwing umaga
nababasa si Inang Bayan.



4:00 ng umaga
Deira, Dubai, UAE
14 Enero 2011