Saturday, September 19, 2009

Hanggang sa telepono na lang


Hanggang sa telepono na lang
Ni Amos Tarana


Hello anak, pagdiriwang mo sana’y maging husto.
Mga padala ko ba’y nakarating nang kumpleto?

Salamat po, bagay sa akin ang pulang damit
Mga kalaro ko’y siguradong maiinggit.
Naisukat ko na rin ang malambot na panglakad
Masarap isuot lalo na’t kulay ay matingkad.
Ang mga tsokolateng may letrang Arabic
Tiyak na pag-aagawan ng mga kaibigang matalik.
Si Lola at ang Tita’y ‘di na maaabala sa pagluluto
Sapagkat handaa’y gagawin na sa McDo.

Hello inay, pagdiriwang ko’y mas magiging husto
Kung ikaw ay makakauwi at pamilya’y makukompleto.



Ika-19 ng Setyembre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE


Thursday, September 3, 2009

Makabagong Rebolusyon


Makabagong Rebolusyon
ni Amos Tarana


Mga nagwewelgang bulate
ang naghawi sa kastilyong nakalutang sa ulunan ni Maria.

Sa pagbangon niya’y bumungad sa mata
ang pintuan ng kahon de yelong (nilalaman ay ang naulilang uling sa tasa)
pinapalamutian ng samu’t saring papel – nananawagan:
kami’y iyo nang bayaran!

Nakita’y hindi na ininda – bingi na si Maria.

Dagli niyang isinuot ang kamisetang nabungkal sa ukay-ukay,
at saka binaybay ang haba ng bangketa (dahil sa may pako ang gulong
ng mga pampasadang sasakyan – umaarangkada na naman kasi ang gasolina).

Sa kanyang paglalakad ay nakabanggaang balikat
ang batang naghahanapbuhay sa lansangan -- hawak ay isang magarang bag.

Nakangisi lang ang nakaunipormeng bundat.

Banderitas ng mga tindahan ang iba’t ibang balita:
ibong nakalipad ang magnanakaw, nagkapera ang ginahasa,
napipi ang saksi, nilalamayan ang makabayan, dinurog ang bahay ng mga dukha,
at pinatawad ng madla ang nagpaumanhing hindi naman umamin sa pagkakasala.

Nanuot sa katawan ni Maria ang alinsangan sa paligid
nang makita ang baha sa gitna ng tag-init, mga basurang namamasyal,
mukha ng mga artista, este, pulitikong sa kuryente nakasabit
at karatulang nagbabanta: …nakamamatay.

Bumalik tuloy sa kanyang pandinig ang winika ng bayaning hindi raw nag-iisa:
Ang aking mga kababayan ay kusa nang yumayakap sa pagkaalipin.

Nilaos na yata kasi ng XBOX 306, FarmVille, TriNoma at BlackBerry
ang propesiya ni Pepe, ang pulang aklat at ang nakakabutas tsinelas na:

“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban nang sabayan sa lansangan”

Matapos ang ilang oras na paglalakbay sa ibabaw ng aspaltong tinipid
ay natanaw na rin niya ang tarangkahang hinahanap.

Subalit baki’t ito’y nakapinid?

Ingles ang sagot na bumulaga sa labing-apat na taong pagsusunog ng kilay ni Maria:

“No Job Vacancy”

Tumigil ang pagsayaw ng dahon sa natitirang puno sa paligid.
Binalot ng maitim na hangin ang kanyang katawan at tinamad sa pag-ikot ang orasan.

Bumukas ang telebisyon.

Laman nito’y si Maria – umaapaw sa ngitngit
at sa mukha’y bakas ang pagkasawa. Makikita siyang kasama sa mobilisasyon,
sigaw niya’y:

Tama na sobra na, tayo nang magrebolusyon!

Sukbit niya’y hindi baril at walang tangan na patalim o granada.
Iwinawagayway niya’y hindi bandila kundi libreta na ang mababasa’y

PILIPINAS PASAPORTE.




Ika-1 ng Setyembre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE