Monday, August 24, 2009

Paraan ng OFW sa kung paano manatili sa trabaho


Paraan ng OFW sa kung paano manatili sa trabaho
Ni Amos Tarana


Kahit laylay na ang dila
ay subukan pa ring
ngumiti,
buto ay banatin
ng walang pahinga’t
sungit.

Pamanhirin ang sikmura’t
pandama
sa lamig, init,
gutom at pati anghit
ng katrabahong
asal itik.

Kapag hindi na kaya’y
isipin lang si bunso
at ang kinabukasan
ng bayang sa hirap
ay nakapako.

Kapusin man sa hininga’y
huwag basta susuko,
alalahaning kaunti na lang
ay makakaahon na rin…
at sa pagtitiis,
mga pasakit ay matagumpay
na maigugupo.



Ika-24 ng Agosto 2009
Al Satwa, Dubai, UAE


Saturday, August 15, 2009

Si Sarah Geronimo at ang OFW




Si Sarah Geronimo at ang OFW
Ni Amos Tarana



Parang pinagdugtong-dugtong na tren
Ang haba ng mga kababayang nakapila
Sa bungaran ng Dubai World Trade Center.
Kahit na nga panahon ay nakakapawis,
Nagawa pa ring makisiksik, makabili lang
Ng tig-isang daang dirham na ticket.
Nang si Sarah ay magsimula nang umawit
Ang tilian at kislap ng kamera’y pumailanlang
Sa bawat sulok ng nagsusumikip na paligid.
Nagsitakasan ang pagod at pagkalungkot
Sa mukha ng mga kabayang dati’y nakasimangot.
At sa pagsabay sa You Changed My Life in a Moment
Financial crisis ay dagling nabaon sa limot.




Ika-14 Agosto 2009
Dubai World Trade Center
Dubai, United Arab Emirates

Thursday, August 13, 2009

Laban ng mga Naulila


Laban ng mga Naulila
Ni Amos Tarana


Kami na mga bayaning
sa ibayong dagat kumukuta
sumaksi sa pagdadalamhati
ng bayang sa ina ay naulila --
Inang nagpamalas
ng kagandahang nagpahina
sa lakas ng kamaong bakal
na sa sambayanan ay nagdusta.

Habang dalamhati
sa pagpanaw niya’y dinaramdam
kami na nasa tigang na lupain
ay may nais ipanawagan:
na buksan ang ating puso
at ang pumanaw na ina’y
dito bigyang buhay;
na luha sana’y pawiin na
at nang makita ang katotohanang
sa loob ng Malakanyang
ay buhay na buhay pa ang kalaban.



Ika-5 ng Agosto 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

Saturday, August 1, 2009

Tanong Lang


Tanong Lang
Ni Amos Tarana


16 bilyong dolyar nami’y nasaan na?
Halagang ipinadala
upang pagapang na ekonomiya’y
maisalba.
Pera itong pinagsikapan
ng mga abogadang
namasukan bilang sekretarya,
ng mga summa cum laude
na sa Dubai Mall
naging tindera,
ng mga guro
na sa arabong restawran
ay naging serbedora
at ng mga unico hijang
natutong magputa.
Punyeta!
Baka naman padala nami’y
naibulsa na.
Diyos ko po!
Huwag naman sana.



Deira, Dubai, UAE
Ika-30 Hulyo 2009