Saturday, August 14, 2010

Yakap ni Ina

Yakap ni Ina
Ni Amos Tarana



Ina,
Sa mga yakap mo'y nangungulila…

Anak,
Huwag mag-alala't
Ako'y uuwi na
Mayayakap na kitang muli
Iyan din ang aking mithi.

Ngunit bakit Ina,
Kanina lang sa pahayagang online
Nabasa ko ang iyong pangalan
Sinakal ka raw ng iyong amo
At saka isinilid sa sako?



Al Satwa, Dubai
14 Agosto 2010


Tuesday, June 15, 2010

Gisingin mo ako


Gisingin mo ako
Ni Amos Tarana



Kumawala na ang kapit ng tukong de-nunal
Sa ginintuang trono na pinakamamahal.
Mga alipores niya'y sindak at gimbal
Nang ang unico hijo ni Corazon ang nahalal.

Bukang liwayway ngayon ay mababanaag na
Sa sambayanang hanggang nuo ang pagdurusa.
Abangan na natin ang pag-arangkada ng ekonomiya
At kapayapaan sa larangan ng pulitika.

O, aking bayan, ito nga ba ay totoo na? Kung hindi,
Sa aking pangangarap, gisingin mo ako.

Mga programang pinakawalan sa entablado
Asahan na nating mapapakinabangang totoo.
Kaya tayong nakikipagsapalaran dito sa disyerto
Puwede nang mag-alsa balutan, sa NAIA ang deretso.

Mga laso na dilaw ang sasalubong sa ating pagdating
Kapamilya at mga kaibigan ay atin nang makakapiling.
Asahan lang natin na itong unico hijo ay hindi sinungaling
At 'di tulad ng sinundan niyang sa kapangyarihan ay praning.

Sana nga, sana nga ay totoo na ito. Sapagkat kung hindi,
Sa aking pangangarap, gisingin mo ako.

Totoong walang bayad ang mangarap
Ngunit may sukli naman itong lalong nagpapahirap
Lalo na sa mga taong kasaysayan ay hindi gagap.
Kaya bilis, huwag mong hayaang isip ay manatili sa alapaap,

Sa aking pangangarap, gisingin mo ako.




8 Hunyo 2010
Darya Hotel, Kish, Iran


Kanya-kanyang diskarte lang 'yan


Kanya-kanyang diskarte lang 'yan

Ni Amos Tarana


Si kabayan itong sa isang isla ng Iran dumating
Dala'y mga pagkaing nakade-lata't nakaplastik
Kahit na hindi naman siya mukhang mag-aawting

Sa mumurahing hotel siya ay nakapasok
Mga kabayang nagsisiputian na ang mata
Ang nadatnan sa paligid na amoy usok

Katawa'y ipinahinga sa masurot na kama
Pilit na natulog kahit hindi naman inaantok
Huwag lang maramdaman ang tiyan na umaalma

Sa kanyang pagtulog, dinalaw siya ng panaginip
Employment Visa niya'y inihatid ng isang anghel
Ang wika'y: Heto na anak, hindi ka na maiinip

Si kabayan, sa pagtulog ay napabalikwas
At nakitang hawak na nga niya ang Visang pangarap
Panalangin niya'y nakamit na rin, sa wakas!




5 Hunyo 2010
Darya Motel, Kish Island, Iran

Friday, April 2, 2010

HALALAN: Limang Tanaga


HALALAN: Limang Tanaga
Ni Amos Tarana


I
Halalan, ano ka ba?
Sumpa ba o pag-asa
Sa bansang nagdarahop
At salat sa ginhawa

II
Ikaw ba ay pagkain
Na puwedeng ihain
Sa harap ng sikmurang
Laman ay puro hangin

III
Walis ka bang panglinis
At pandurog ng ipis –
Sa tuko ng palasyo
Ay siyang mag-aalis

IV
Kaya mo bang wakasan
Hirap at kalungkutan
Ng aming ama't inang
Pilit nangibangbayan

V
Baka nama'y bangungot
Na muling maglalagot
Sa buhay at pangarap
Ng bansang nababansot




Ika-2 ng Abril 2010
Al Satwa, Dubai, UAE

Tuesday, March 16, 2010

Sevenling (Pacquiao)

Sevenling (Pacquiao)
Ni Amos Tarana



Panalo ulit si Pacquiao --
Mag-uuwi na naman ng kayamanan,
Sinturong ginto at magandang pangalan.

Tulad din ng mga OFW --
Nag-uuwi ng ginintuang Dinar,
Arab Emirates Dirham at Saudi Riyal.

Ngunit Pilipinas ay bugbog pa rin sa kahirapan.




Ika-14 Marso 2010
Al Satwa, Dubai, UAE






Sunday, March 14, 2010

Nasaan na si Dok?


Nasaan na si Dok?
(Alay sa Morong 43 at sa mga Pilipinong doktor/manggagawang pangkalusugan na nasa ibayong dagat)

Ni Amos Tarana


Saksi ang sambayanang pinagsarhan
Ng ospital na pangmayaman --
Sambayanang pinaasa't ginamit
Ng mapangakong pamahalaan.

Saksi kaming lahat.

Noong ginhawa'y iyong inilapit
Sa aming nagungulilang puso;
Ngunit militar na walang utak
Sa piitan ikaw ay isinugo.

Nasaan na si Dok?

Saksi ang mga batang bundat
Ang [kumakalam na] tiyan --
Mga batang bakat ang buto
Sa naghihingalong katawan.

Saksi kaming lahat.

Noong ikaw ay itulak pagkakitaan
Ng pamahalaang walang puso;
At pilitin kang manggamot
Ng mga batang 'di naman kabaro.



Ika-13 Marso 2010
Al Satwa, Dubai, UAE



Sunday, February 14, 2010

Bakit Masarap Manatili sa Dubai?


Bakit Masarap Manatili sa Dubai?



Masarap manatili sa Dubai. Oo, ibang klase talaga!

Hindi dahil sa naririto ang pinakamatayog na Burj Khalifa.
Hindi rin dahil sa ginintuang Burj Al Arab o sa Atlantis ng Palm Jumeirah.
Pawang mga gusaling palamuti lamang ito sa bansang walang likas na ganda.

Masarap manatili sa Dubai. Oo, wala na akong hahanapin pa!

Ngunit hindi dahil sa halos lahat ng gustuhin ko'y naririto na.
Kahit sabihin mang gasolina rito ay mura at bilihi'y masasabing abot kaya.
'Di pa rin maitatago na ang manirahan dito ay magastos, mababaon lang sa dusa.

Masarap manatili sa Dubai. Oo, giginhawa kang talaga!

Pero saglit lang, hindi ito dahil sa Dirhamong kinikita.
Mga amo kaya rito'y siga – kung 'di man palasigaw ay tunay na palamura.
Kaya mga kabayan ay palipatlipat ng trabaho at sa pagpapart-time ay sugapa.

Masarap manatili sa Dubai. Oo na't aaminin ko na…

Dahil sa ibang klase ang ligaya kapag ikaw ang aking kasama.
Wala nang ibang hahanapin pa lalo na't sa mga mata ko'y ikaw ang nakikita.
Masarap manatili sa Dubai hanggat ikaw ang aking kapiling sa hirap at ginhawa.



14 Pebrero 2010
Al Satwa, Dubai, UAE