Thursday, June 9, 2011

Kumakain ako ng shawarma habang binabaril nila si Osama


Kumakain ako ng shawarma habang binabaril nila si Osama
ni Amos Tarana


Kumakain ako ng shawarma
sa isang tindahan sa Deira
noong oras na binabaril
ng mga sundalong Amerikano
ang pinuno ng Al-Qaida.

3 dirhams lang ang shawarma
kumpara sa 15 dirhams
na pinakamurang value meal
sa Burger King at Mc Do
na pag-aari ng mga kapitalista.

Ngayong patay na si Osama
at ilan sa kanyang mga guwardiya,
kakayanin ko na kayang
talikuran ang shawarma?
Makakapaglakas-loob na rin kaya
na sa Burger King at Mc Do
tumikim ng pangmeryenda?

Hay naku, wala na nga si Osama,
ngunit nananatili pa ring shawarma
itong kinakaya ng aking bulsa.




28 Mayo 2011
Deira, Dubai, United Arab Emirates 

Monday, April 25, 2011

Mga Tula na Hindi Ako ang May-akda


Mga Tula na Hindi Ako ang May-akda
ni Amos Tarana


Ang Dakilang Maylikha
ang may-akda sa aking mga tula –
akin lang ang panulat, ngunit Kanya
ang nilalamang diwa.

Pinasatitik lang niya sa akin
ang mga panalanging narinig –
inusal ng mga kabayang
nawalay sa pamilya,
pinagkaitan ng karapatan
at pinabayaan ng pamahalaan.
Mga panalanging nagsasalarawan
ng pasanin at pakikibaka
ng sambayanang naghihirap
at pinahihirapan.
Mga panalanging ingay
kung ituring ng mga mayayaman
at mga pulitikong dalubhasa
sa retorika ng pangangako
at pangangamkam sa perang
hinulma sa dugot't pawis
ng mga manggagawang
yumakap sa pangingibang bayan.

Tinig ng Dakilang Maylikha
ang laman ng aking tula
na kailangang mabasa't marinig
ng mga bulag, bingi at manhid
sa pagtangis ng kapwang
lunod na sa pagluha.



23 Abril 2011
Deira, Dubai, UAE


Kayo ang Boss Ko


Kayo ang Boss Ko
ni Amos Tarana


Nupos ang mga kandilang
sinindihan ng mga pag-asa

matapos mapabalitang:
3 Filipinos Executed in China.

Ang winikang "Kayo ang Boss ko"
nabulgar na walang bisa.

Nauntog na naman ang ulo
ng sambayanang dukha;

sa pambobola ng pangulo
ipis na lang ang maniniwala.



30 Marso 2011
Deira, Dubai, UAE


Sunday, March 27, 2011

Elyen


Elyen
ni Amos Tarana


Sa himpapawid namataan
ang isang spaceship;
nang ito'y lumapag,
hanging mainit
sa paligid ay humihip.
Maliit na pintuan nito'y bumukas
at isang nilalang ang lumabas --
pisong barya ang mata,
pinison ang ilong,
mukha'y walang balbas
ang tumambad na hitsura.
Siya'y nagwika:
Magandang araw, kumusta ka?
Ang kanyang ganting narinig
ay Shu hada!?
Nubulaga ang nilalang
nang mapagmasdan ang paligid:
kahong libingan ang mga bahay
at higante ang mga gusali,
santo at santang rebulto
ang mukha ng karamihan,
at naglipana ang mga bihis pari.
Nagulantang ang nilalang
nang matuklasang kanilalang niya
ay nagkalat din sa paligid --
mga aliping namamahay,
ang iba'y aliping sagigilid.
Ang nilalang na nawindang
sa kanyang spaceship ay bumalik;
sa sariling planeta ay umuwi.

Pagdating sa sariling planeta
nais sanang ibalita ang mga nakita
ngunit isang katanungan
ang sumalubong sa kanya:

Sino ka?




26 Marso 2011
Deira, Dubai, UAE

(Shu hada ay Arabic ng What is this?/Ano ito?)

Thursday, March 24, 2011

Si Kabayan at ang Kanyang Yosi


Si Kabayan at ang Kanyang Yosi
ni Amos Tarana



Sa pagsapit ng gabi
itong si kabayan
lalong sumiseksi --
tipid ang kasuotan
kapag tumuwad
kita na ang panty.

Mga mata sa paligid
sa kanya'y namamagnet;
leeg mapipilipit,
kapwa babae
sa kanya'y maiinggit,
mababadtrip.

Kaya niyang bigkasin
Ingles, Hindi, Urdo
kahit pa Arabic.
Tinuturuan din niya
ng Tagalog
lahat na nagiging suki.

Kung hindi iPhone,
cell phone niya
ay Black Berry;
Alahas na isinusuot,
hindi siya ang bumibili;
pati flatmates niya,
naililibre sa grocery.

Kahit buwanang sahod
(sa trabahong pang-umaga)
ay madalas nahuhuli
ngunit padala sa anak
ay laging saktong
katapusan at a-kinse.
Sahod niya ay 'di tataas
sa 3,000 dirhams - tax free,
ngunit ang pinapawestern union
ay 'di bababa
sa 3,000 dirhams lagi.

Payo ni kabayan
sa kapwang nais maging sosi:
huwag pihikan,
huwag pili nang pili --
sakay agad sa kahit na
anumang modelo ng kotse.
Sikreto ni kabayan
ay napakasimple:
umibig kahit saglit
at husayan ang hithit,
lunukin ang usok
sa bawat sisindihang yosi.



23 Marso 2011
Deira, Dubai, UAE

Wednesday, March 16, 2011

Kung Ako ay Pintor


Kung Ako ay Pintor

ni Amos Tarana




kung ako ay pintor
ipipinta ko ang aking
araw-araw na ipinapanalangin
pinapangarap -
dahilan ng aking pakikibaka't
matagal nang pagsisikap

gaya ng sapat
masustansiya at masasarap
na pagkaing nakahain
sa hapag -
pinagsasaluhan
ng pamilyang buo
na kasiyahan ay ganap

ipipinta ko
itong mga mag-aaral
na hindi na pinuproblema
ang "no permit, no exam"
kursong inaaral
ay naaayon at makabuluhan
sa pangangailangan
at pagpapaunlad
nitong sariling bayan

kung ako ay pintor
ipipinta ko itong aking
mga kapitbahay
na may trabahong
maipagmamalaki
at buwanang sahod
na nakakabuhay -
wala na ang mga mama
na sa kanto maghapon
ay nakatambay

ipipinta ko rin
na pag-aari na ng mga pinoy
ang malalaking negosyo
mga empleyado naman
ngayon ay ang mga dayo -
mga singkit, puti
pana at arabo
nagmamakaawang
matanggap sa trabaho

ipipinta ko ang kanayunan
na may mga magsasakang
sarili ang lupang binubungkal
pag-aari na rin nila
ang mga pangsakang kagamitan
mga panginoong may lupa
ang s'ya na ngayong nakikisaka
at sa magsasaka'y
nakikiusap na mapautang

ipipinta ko't paglalaanan
ng oras at sikap
ang mga kulungang nagsisiksikan
kung saa'y mahahanap
ang mga trapo sa bansa
na dating nanghold-up
nag-unahan sa pangungurakot
at sa baya'y nagpabaon
sa utang at paghihirap

sa huli ay aking ipipinta
ang mga kabayang
sa ibang bansa naglipana
hindi bilang mga alila
sahuran o nabiktima
kundi mga turistang
sa pamamasyal ay abala
sa bawat paliparan
dalang pasaporte'y
iginagalang - visa'y
'di na rin kinakailangan

sa bawat sulok ng mundo
mga obra ko ay isasabit
upang makita nang malapitan
ng mga kabayang
sa dusa ay hapit
pangarap itong titingalain
pagsisikapan at ipaglalaban
gagawing ganap
kahit buhay man
ang maging kapalit

kung ako ay pintor
hinding-hindi magsasawang
bigyang kulay
na kahit sa canvas man lang
mga pangarap ko'y
ganap na magkabuhay



15 marso 2011
deira, dubai, uae






Manggagawa


Manggagawa
ni Amos Tarana


Katulad ng bagong silang
na sanggol, hubad
ang migranteng manggagawa
nang iluwal ng karukhaan
sa ibayong dagat.
                          Hubad
sa karapatan.  Uhaw
at sapilitang nagpupumiglas
na malanghap ang buhay,
na maaninag ang liwanag
mula sa hirap.
                          Nagpupumiglas
panawaga'y katarungan. Ang sigaw
na kahalo'y luha ng paghihirap
ay sumpa sa mga mapagkunwang
mapagmalasakit - mga bulag
at manhid.
                          Sa paghihirap
ng mga kabayan, nagiginhawaan
ang mga kalahing naghihintay
sa padalang dirham - kalahing
'di alintana ang panganib
sa daraanan ni kabayan.
                          Naghihintay...





10 Marso 2011
Deira, Dubai, UAE

Monday, February 14, 2011

Kung Ikaw ay Dalaga at Ako ay OFW


Kung Ikaw ay Dalaga at Ako ay OFW

Ni Amos Tarana


Kung ikaw ay dalaga at ako ay OFW,
Ako kaya'y iibigin mo?

Larawan ko lang
Ang iyong magiging kahalikan,
Sa Skype lang masusulyapan
At sa Facebook ang madalas
Nating magiging tagpuan.

Sa gabi'y magtitiyagang tumingala
Sa maliwanag na tala
At ang bawat pagnanasa
Ay kagat labing iaasa
Sa malambot at maluwag na kama.

Bakod na karagatan
At katawang tigang
Ang sumpang ating makakalaban
Nariyan din ang mapanuksong ahas
Na mangangako ng kaginhawaan.

Kung ako ay OFW
At magnanasang masarili ang iyong puso,
Ako pa kaya'y pagbibigyan mo?



14 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Babala

Babala
Ni Amos Tarana


Hindi lang ang pagtawid
Sa "Huwag Tatawid Nakamamatay"
Ang nakamamatay.

Mas nakakapanlamig balat
At nakakalagot hininga
Ang magpigil dila
At magpabundat ng tiyan
Sa harap ng pandaraya't
Nakawan.

Hindi marunong magbiro
Ang konsensya -- nananagpas
Ng leeg kapag 'di agad-agad
Pinakinggan.

Panatag ang loob n'ya
Sa taong ipinagsusumigawan
Ang kabulukan
Ng mga iginagalang.

Ginhawa ang kanyang ganti
Sa nagmamatapang-loob
Tuwing ang karamiha'y
Nagtatapangtapangan lang.

Tandaan ang bagong babala:

Marunong kumalabit ng baril
Ang konsensya, mag-ingat
Baka puso'y tamaan

At mapabalitang

Nagpatiwakal.



11 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Sunday, February 6, 2011

Pag-ibig na Hatid


Pag-ibig na Hatid
ni Amos Tarana


Pag-ibig na hatid
'Di maaampat
o kaya'y mapapatid
na para bang pagdagsa
ng mga kabayan
sa lupaing 'di n'ya batid.

'Di maaampat
na lalo pang nag-uumapaw
tulad ng mga kabayan
na ngayo'y sa POLO-OWWA
hindi magkamayaw.

Pag-ibig na ito'y
'Di mabibilang
sapagkat singdami,
singlawak at singlaki
ng bilang ng mga kabayang
dinudugasan ng agency.

Dahil pag-ibig 'di mabilang,
walang sisidlan
na maaari pang paglagyan.
Tumpak na maikukumpara
sa listahan ng mga kabayang
minaltrato't hinubaran
ng mga among tinitiis --
pinagsisilbihan.

Pag-ibig na hatid
ay bukal ng pangarap
'di matutuyo, 'di masasaid.
Walang pinagkaiba
sa tatag at pagsisikap
ng mga kabayang
nasanay na sa pagpapahirap,
kapabayaan at pasakit.

Pag-ibig na ito
sa bawat sandali,
sa hirap at ginhawa
ay hindi mapapakali.
Kakatok at kakatok
sa tarangkahan ng iyong puso
kahit na dumating pa
ang panahong si kabayan
sa Pilipinas (buhay man o patay)
ay tagumpay na makauwi.



5 Pebrero 2011
Deira, Dubai, UAE

Takbo para kay Kabayan


Takbo para kay Kabayan
ni Amos Tarana


Takbo. Kabayan, takbo!
Sagipin ang kabayang
naghihingalo.

Dugtungan, dugtungan
buhay ng kabayang
ipinagsapalaran sa dirhamo.

Takbo. Kabayan, takbo!
Imulat ang kabayang
bulag sa katotohanan ng mundo.

Paunlarin, paunlarin
kaisipan ng kabayang
sa pakikibaka'y atrasado.

Takbo. kabayan, takbo!
Palayain ang kabayang
sa POLO-OWWA nakakandado.

Paginhawain, paginhawain
katawan ng kabayang
bugbog sa pagmamaltrato.

Takbo. Kabayan, takbo!
Tumakbo para sa kabayang
pinagkaitan ng karapatang pantao.

Huwag titigil, huwag titigil
hanggat ang karamihan ay manhid
sa pagpapahirap ng tao sa tao.

Takbo. Kabayan, takbo!



21 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE

Kung Ako ay may Baril



Kung Ako ay may Baril
ni Amos Tarana



Kung ako ay may baril
ilang bungo ng mga diyablo
kaya ang pasasabugin?

Ako'y 'di magdadalawang isip
na agad lipulin
lahi ng mga diyablong
sa kayamanan ay sakim.

Uusigin ng aking bala
ang pamahalaang bugaw
na sa dugo at pawis
ng mga kababayan ko'y
nagsasamantala't uhaw.


Kung ako ay may baril
Malacanang, Kongreso,
Korte Suprema, Senado,
Crame at Aguinaldo
ay aking lulusubin;
lahat na may utang na dugo,
mandaraya't sinungaling doon
ay aking uubusin.

Susunduin ng aking bala
ang pagsikat ng pulang umaga
na siyang magpapangindapat
sa sambayanang 
kalayaan ay ganap.

Kung ako ay may baril
bungo ng mga anghel
na rin siguro ang kapiling -
sa payapang langit
nakahimlay na mahimbing.

Ngunit ako'y walang baril
armas ko lang ay papel
at bolpen.

Sana nga lang, ako ay may baril.




18 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE 



Ang Pakiusap ni Bunso


Ang Pakiusap ni Bunso
ni Amos Tarana


Kaliwa't kanang sumahimpapawid
ang angas ng mga kababayang
naiinggit.
Yes, sila'y ngitngit sa inggit
palibhasa mga pobre -
sanay maglakad sa kalye
ang mga tulo laway
sa kuya ko na may magarang kotse.

Korek nga, mamahalin ang kotse
ng kuya kong presidente
alangan naman kasi
sa katulad niyang disente
ang makitang nakasakay sa taxi,
bus, LRT o makipagsiksikan sa MRT -
tumaas pa naman ngayon
ang pamasahe.

Ang kuya ko'y tao lang
pero 'di tulad ng karamihan
ipinanganak yata kaming mayaman.
Kaya naman please lang
huwag nang pagtakhan
kung magagarang kotse,
de-kalibreng baril
at mga pangbold star na babae
ang ituring niyang
pang-stress free.

Tigilan na ito ha
ang pagsasabing "walang pakiramdam"
sa kuya kong, utang na loob naman,
siya na ngang pag-asa ninyo
para makaahon sa kahirapan.
'di nga ba't kayo ang pumili sa kanya
na magdrive sa inyo
patungo sa ginhawa?

Isipin n'yo na lang, naka-porsche kayo
ang sosyal 'di ba?



17 Enero 2011
Deira, Dubai, UAE

Sa mga Umagang Walang Tiktilaok ang Manok


Sa mga Umagang Walang Tiktilaok ang Manok
ni Amos Tarana


Alingawngaw ng aircon ang kakambal
ng katahimikan
sa mga umagang walang tiktilaok
ng manok - sa umagang
nauuna ang pagsikat ng araw
kaysa sa takbo ng orasan.

Wala man lang batingaw ng kampana
ang mga simbahan sa paligid.
Walang tunog ng makinang pinapainit
bago ipasada
o kaya'y kaluskos ng mga aleng
naghahanda papunta sa pamilihan.

Nakasanayan na ring walang pandesal
at kapeng barako sa almusal.
'di na rin maalala ang lasa
ng sinangag at tapang taal.

Wala nang luntiang matatanaw
mula sa bintana
pati ang aleng nagtitinda ng puto
at mamang naglalako ng taho.
Wala na rin si ineng na maagang
naglalakad papunta sa eskwela.

Sa google-alert na lang tuwing umaga
nababasa si Inang Bayan.



4:00 ng umaga
Deira, Dubai, UAE
14 Enero 2011