Ang Pangarap ng Pugot na Ulo
ni Amos Tarana
ni Amos Tarana
May pugot na ulong nakabilad sa disyerto
dilat ang kanyang mga mata, duguan ang mukha at nakabuka ang bibig.
Mayamaya pa’y matatabunan na siya ng mga buhanging ginugulo ng hangin.
Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.
Noong siya ay namamasukan sa amo niyang manyakis.
Nagising siyang may palad sa bibig, sa ari niya ay may kalbong nakaumang – galit.
Siya ay nanlaban. Ngunit ang demonyo’y malakas, leeg niya’y tinagpas.
Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.
Noong sa Pilipinas siya’y umalis at sa bansang mabuhangin ay nakarating,
nalamang huwad ang kabayang nangako na sa trabaho siya’y ipapasok.
Naloko na, itinakbo na ang kanyang inutang na pera.
Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.
Noong naghahanap siya ng mapapasukan sa sariling bansa ngunit walang makita.
Kahit na nga tapos naman sa pag-aaral at maganda. Kahit na nga madalas ibalita
Ng pangulong ekonomista na sa poder niya ang bansa’y gumiginhawa.
Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.
Noong kasama niya sa pagkain at katabi sa pagtulog ang mga minamahal na anak. Noong hinahaplos ng kanyang asawa ang kanyang buhok, ang kanyang mukha
at dinadampian ng pag-ibig ang buo n’yang katawan.
Ito, ito ang kanyang pangarap.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at sinikap na dito manatili.
Ras Al Khaimah, UAE
Ika-15 ng Abril 2009
No comments:
Post a Comment