Sunday, June 14, 2009

Panalangin Bago Mamatay


Panalangin Bago Mamatay
ni Amos Tarana


Sa pag-upo sa eroplanong tora-tora
Pinanood ang babaeng nagmumustra
Ikinabit ang sinturon at sa sarili’y bumulong

Panginoon, sa aking muling paglipad
Iadya sa anumang masama, lalo na’t madilim
At mukhang panahon ay nagbabanta

Eroplano ay umangat, umalog-alog
Wari bang nanginginig at natatakot
Na baka sa himpapawid ay ‘di umabot

Panginoon, huwag sanang ipahintulot
Ngunit kung ito na ang panahon
Ang kalooban mo ang s’yang masusunod

Biglang gumuhit ang kidlat, sinundan ng kulog
Eroplano’y parang nagitla at muling umalog
Na parang bolang tumatalbog-talbog

Panginoon, ang aking asawa’y pakaingatan
Pagkalooban ng kanyang mga kailangan
Kahit na maging bagong asawa man

Napasigaw ang ilan sa pagliwanag ng paligid
Muling narinig ang mas malakas na kulog
Eroplano’y gumewang na parang umiilag-ilag

Panginoon, ang aking ina’y gagabayan
Mga kapatid ko’y papatnubayan
Sila’y ililigtas sa hirap, dalhin sa kaginhawaan

Madilim ang paligid, masungit na ang panahon
Kabado na ang karamihan
Nakikiramdam, tahimik na nagtitinginan

Panginoon, sa mga kaibigan ako ay
Ipagpaalam. Ikaw ang sa kanila’y gumanti
Sa ipinamalas nila sa aking kabutihan

Mahigpit na napahawak sa upuan, napa-
Hesusmaryosep! Ang eroplano’y bumabagsak
Para bang hinihila na ng dagat

Panginoon, bansa ko ay huwag ipapaubaya
Sa kamay ng mga ganid na tagapamahala
Mga aba’y sa kahirapan bigyang ginhawa

Sikmura’y parang babaligtad, sa pagkakaupo
Ay napapaangat. Malayo pa ba ang lupa?
Kaluluwa’y nais na yatang lumaya

Panginoon, sa aking mga kasalanan ay
Patawarin at pagkukulang ko’y unawain
Bangkay ay mahanap at sa Pilipinas ilibing

Kumalabog ang eroplano, sa wakas ay
Sumayad na ang gulong! Nagkatinginan
Ang lahat, naghihiyawan at nagpapalakpakan

Panginoon, salamat at kami ay buhay pa
Nakangiti at buo pa. Bagong buhay ay
Pagmamalasakitan, ialay sa iyo at sa bayan

Napalingon sa maliit na eroplano, salamat
At mabuhay ka pero sana sa iyo ay huwag
Nang muling makaranas na makasakay pa



2 Disyembre 2008
Dubai papuntang Kish Island, Iran

No comments:

Post a Comment