Sunday, June 21, 2009

Habang Kayo’y Namamahinga: Para Sa Aking Mga Kababayan Sa Gitnang Silangan


Habang Kayo’y Namamahinga: Para Sa Aking Mga Kababayan Sa Gitnang Silangan


Ang buhay na hindi sinusuri

ay buhay na hindi isinasabuhay.

- Socrates



Salamat naman at Biyernes na
Araw ng inyong pamamahinga
Kayo nang matulog sa maghapon
Damhin ang lambot ng inyong kutson

Habang sa ating sariling bayan
Mga mamamaya’y nangangamba
Isinusulong na naman kasi
Itong Cha-Cha ni Gng. Gloria

Kaya aking mga kababayan
Kung kayo’y ‘di naman inaantok
Ano kaya’t buksan ang DVD
At manood ng pelikulang bold

‘Yaan nang maisakatuparan
Nitong mga ganid na tongressman
Ang ConAss na pinagtatalunan
Na sila lang ang makikinabang

Pagkatapos n’yong manood ng bold
Sa Simbahan kayo ay magtungo
Ipagdasal ang inyong pagyaman
Harinawang kayo’y mapagbigyan

Gobyerno nama’y walang pag-asa
Ang gumiginhawa’y sila-sila
Parliamentary form of government
Ang sa ngayo’y pinapangarap na

Pagkatapos ng Banal na Misa
Sa Mall naman ay dumiretso na
Doo’y kumain ng masasarap
Bilhin lahat ang pinapangarap

Pagkilos ng Bayan sa lansangan
Huwag n’yo na ‘yang pakialaman
Kalsada’y lalong nata-trapik lang
Mahawa pa sa A(H1 N1)

Pag-uwi sa bahay galing sa Mall
Tumabi sa ‘yong kinakasama
Sa kanya’y yumakap nang mahigpit
At sabay na mamasyal sa langit

Habang si Gloria ay nakangiti
Sa kanyang isipa’y sinasambit
‘Malapit na. Ayan, malapit na.
Pantasya ko ay matutupad na.’




19 Hunyo 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

2 comments:

  1. i love that quote: Ang buhay na di sinusuri ay buhay na di isinasabuhay..

    nice translation boy.

    wowee

    ReplyDelete
  2. tnx wowee..ito ang sa ingles: A life unexamined is a life unlived - Socrates

    mas gusto ko pa rin ang salin ko sa filipino kaysa sa ingles...

    maraming tao ang hindi nagsasabuhay ng kanilang buhay .... mea culpa. kaya magandang paalala ito para sa ating lahat hehehe

    ReplyDelete