Saturday, December 19, 2009

Balikbayan Box



Balikbayan Box
Ni Amos Tarana



Paano pa kaya itutungtong sa lupa
Itong sapatos na bago’t napakarangya?
Kung lupang pagaapakan o lalakaran
Ay isa nang napakalawak na sisidlan –
Imbakan ng mga journalist at sibilyan.

Kanino pa kaya isusuot ang damit
Na sadyang hinalukay sa magarang boutique?
Kung katawan na sana ay pagdadamitan
Ay binalutan na ng kasuotang punit –
Makintab na barong at itim na pantalon.

Sino pa kaya ang susubok na titikim
Nitong Honey Toblerone Dark na mamahalin?
Kung ang minamahal na sana ay kakain
Ay kalas na ang ipin, ngalangala’t panga –
Sumabog dahil sa ipinakaing bala.

Ano pa kaya ang maaring maging silbi
Nitong pinag-ipunang Hi-tech Karaoke?
Kung ang dating awitan ni Nonoy at Nene
Ay napalitan na ng luha’t dalamhati –
Hiyaw na nananawagan ng katarungan!

Kailan pa kaya mabibigyan ng wakas
Pagpapahirap sa lupang sabi’y malaya?
Kung ito’y nananatili sa mga pangil
Ng mga mamamatay tao at suwail –
Mga pinunong iniluklok ng tatlong G.




19 Disyembre 2009
Al Satwa Dubai, UAE


Sunday, November 29, 2009

Paninibugho




Paninibugho
Ni Amos Tarana

I

Mabuti pa si Pacman
Sa bawat panggugulpi sa kalaban
Pinapalakpakan

Mga magagandang tsikas
Na nais makatikim ng kanyang lakas
Sa pangalan niya'y umaangkas

Pinag-aagawan ng mga pulitiko
Upang sa kanila ay mag-endorso
Masiguro lang ang inaasam na panalo

Pati nga itong si Gloria
Nagkakandaugaga sa pagsalubong sa kanya
Sabay sabit pa ng Order of Sikatuna

II

Mabuti pa si Kuya Efren
Sa pagtutulak ng kariton
Napansin ng CNN

Siya ngayon ay kinikilalang bayani
Hinahangaan ng marami
Naumpisahan niya'y sagot daw sa iliterasi

Inuwi niya sa bansa ay hindi lang karangalan
May bitbit pa siyang limpak na kayamanan
Simbahan nga'y kasama sa mga nabalatuhan

Kaya naman itong si Gloria
Upang kabulukan ay maikubli sa masa
Nag-alay sa kanya ng Order of Lakandula

III

Pero teka nga muna
Bakit kaming mga pinoy na nasa ibang bansa
Patuloy pa rin sa pangungulila

Sabi'y kami raw itong mga "bagong bayani"
Isang kunya-kunyariang papuri
Kapalit ng aming pinaghirapang ani

Migrante Party List nga na sa ami'y kumakatawan
At pangunahing tumutugon sa aming pangangailangan
Pinagbawalan pang lumahok sa halalan

At sa bawat pag-uwi namin sa 'pinas
Pamahalaa'y walang pakialam sa aming mga dinanas
Sumasalubong pa sa ami'y mga kawatang ungas



28 Nobyembre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

Thursday, October 29, 2009

Feminisasyon ng Migrasyon



Feminisasyon ng Migrasyon

Ni Amos Tarana



Binugaw ng karukhaan sa bayan ng mga kebab,
tinangkang pitasin ang inaasam na ginhawa.
Ngunit ninanasa ay binakuran ng arbab,
patalim ay niyayakap alang-alang sa pamilya.
Kanser itong nagsusulputan na parang kabute.





29 Oktubre 2009
Deira, Dubai, UAE

Thursday, October 1, 2009

Nasaan ang Bahaghari?




Nasaan ang Bahaghari?
Ni Amos Tarana


Ang mga larawan sa pahayagan at internet ay nagtatanong: Nasaan na nga ba ang bahaghari?

Ah, ang bahaghari’y nakasulat sa Cha-Cha, Mining Act of 1995 at JPEPA* – baga’y na sa sikmura’y magpapayapa.

Ehem, ngunit bakit kalikasan ay laging nagbabanta’t pisngi niya’y binabaha? Hindi kaya ang bahaghari’y sumama na sa propetang binusog ng punglo at natabunan na ng lupa?

Ah, ang bahaghari’y mapapakinig sa SONA** at sa talumpati ng mga nakabarong na makikisig – siyang katotohanang dapat paniwalaan ng taong sa demokrasya’y nananalig.

Ehem, ngunit bakit bayan ngayo’y sa putik tumatampisaw at sa gitna ng basurang rumaragasa paghingi ng tulong ang isinisigaw?

Ah, dahil ang Diyos ni Noah sa Salita ay hindi naging tapat, kaya’t kulay ng bahaghari ay nakupas – tadhana itong dapat unawain hindi na sakop ng batas.

Ehem, Diyos kaya’y maaaring hindi maging tapat? Hindi ba katapatang maitatawag ang ginhawang dulot ng pagkakapit bisig at bayanihan ng sambayanan pati kababayan sa ibayong dagat?

Aha! Kulay ng bahaghari kaya’y maaaring kumupas kung sambayanang Pilipino ay mananatiling mulat at kailanma’y hindi na papayag na paniwalaang muli ang kasinungalingang walang kakupas-kupas?

Ang mga larawan sa pahayagan at internet, ngayon ay muling nagtatanong: Nararamdaman mo na ba ang Bahaghari?





01 Oktubre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

--------------------------------------------------
*Japan-Philippines Economic Partnership Agreement
**State of the Nation Address


Saturday, September 19, 2009

Hanggang sa telepono na lang


Hanggang sa telepono na lang
Ni Amos Tarana


Hello anak, pagdiriwang mo sana’y maging husto.
Mga padala ko ba’y nakarating nang kumpleto?

Salamat po, bagay sa akin ang pulang damit
Mga kalaro ko’y siguradong maiinggit.
Naisukat ko na rin ang malambot na panglakad
Masarap isuot lalo na’t kulay ay matingkad.
Ang mga tsokolateng may letrang Arabic
Tiyak na pag-aagawan ng mga kaibigang matalik.
Si Lola at ang Tita’y ‘di na maaabala sa pagluluto
Sapagkat handaa’y gagawin na sa McDo.

Hello inay, pagdiriwang ko’y mas magiging husto
Kung ikaw ay makakauwi at pamilya’y makukompleto.



Ika-19 ng Setyembre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE


Thursday, September 3, 2009

Makabagong Rebolusyon


Makabagong Rebolusyon
ni Amos Tarana


Mga nagwewelgang bulate
ang naghawi sa kastilyong nakalutang sa ulunan ni Maria.

Sa pagbangon niya’y bumungad sa mata
ang pintuan ng kahon de yelong (nilalaman ay ang naulilang uling sa tasa)
pinapalamutian ng samu’t saring papel – nananawagan:
kami’y iyo nang bayaran!

Nakita’y hindi na ininda – bingi na si Maria.

Dagli niyang isinuot ang kamisetang nabungkal sa ukay-ukay,
at saka binaybay ang haba ng bangketa (dahil sa may pako ang gulong
ng mga pampasadang sasakyan – umaarangkada na naman kasi ang gasolina).

Sa kanyang paglalakad ay nakabanggaang balikat
ang batang naghahanapbuhay sa lansangan -- hawak ay isang magarang bag.

Nakangisi lang ang nakaunipormeng bundat.

Banderitas ng mga tindahan ang iba’t ibang balita:
ibong nakalipad ang magnanakaw, nagkapera ang ginahasa,
napipi ang saksi, nilalamayan ang makabayan, dinurog ang bahay ng mga dukha,
at pinatawad ng madla ang nagpaumanhing hindi naman umamin sa pagkakasala.

Nanuot sa katawan ni Maria ang alinsangan sa paligid
nang makita ang baha sa gitna ng tag-init, mga basurang namamasyal,
mukha ng mga artista, este, pulitikong sa kuryente nakasabit
at karatulang nagbabanta: …nakamamatay.

Bumalik tuloy sa kanyang pandinig ang winika ng bayaning hindi raw nag-iisa:
Ang aking mga kababayan ay kusa nang yumayakap sa pagkaalipin.

Nilaos na yata kasi ng XBOX 306, FarmVille, TriNoma at BlackBerry
ang propesiya ni Pepe, ang pulang aklat at ang nakakabutas tsinelas na:

“Ang tao, ang bayan, ngayon ay lumalaban nang sabayan sa lansangan”

Matapos ang ilang oras na paglalakbay sa ibabaw ng aspaltong tinipid
ay natanaw na rin niya ang tarangkahang hinahanap.

Subalit baki’t ito’y nakapinid?

Ingles ang sagot na bumulaga sa labing-apat na taong pagsusunog ng kilay ni Maria:

“No Job Vacancy”

Tumigil ang pagsayaw ng dahon sa natitirang puno sa paligid.
Binalot ng maitim na hangin ang kanyang katawan at tinamad sa pag-ikot ang orasan.

Bumukas ang telebisyon.

Laman nito’y si Maria – umaapaw sa ngitngit
at sa mukha’y bakas ang pagkasawa. Makikita siyang kasama sa mobilisasyon,
sigaw niya’y:

Tama na sobra na, tayo nang magrebolusyon!

Sukbit niya’y hindi baril at walang tangan na patalim o granada.
Iwinawagayway niya’y hindi bandila kundi libreta na ang mababasa’y

PILIPINAS PASAPORTE.




Ika-1 ng Setyembre 2009
Al Satwa, Dubai, UAE










Monday, August 24, 2009

Paraan ng OFW sa kung paano manatili sa trabaho


Paraan ng OFW sa kung paano manatili sa trabaho
Ni Amos Tarana


Kahit laylay na ang dila
ay subukan pa ring
ngumiti,
buto ay banatin
ng walang pahinga’t
sungit.

Pamanhirin ang sikmura’t
pandama
sa lamig, init,
gutom at pati anghit
ng katrabahong
asal itik.

Kapag hindi na kaya’y
isipin lang si bunso
at ang kinabukasan
ng bayang sa hirap
ay nakapako.

Kapusin man sa hininga’y
huwag basta susuko,
alalahaning kaunti na lang
ay makakaahon na rin…
at sa pagtitiis,
mga pasakit ay matagumpay
na maigugupo.



Ika-24 ng Agosto 2009
Al Satwa, Dubai, UAE


Saturday, August 15, 2009

Si Sarah Geronimo at ang OFW




Si Sarah Geronimo at ang OFW
Ni Amos Tarana



Parang pinagdugtong-dugtong na tren
Ang haba ng mga kababayang nakapila
Sa bungaran ng Dubai World Trade Center.
Kahit na nga panahon ay nakakapawis,
Nagawa pa ring makisiksik, makabili lang
Ng tig-isang daang dirham na ticket.
Nang si Sarah ay magsimula nang umawit
Ang tilian at kislap ng kamera’y pumailanlang
Sa bawat sulok ng nagsusumikip na paligid.
Nagsitakasan ang pagod at pagkalungkot
Sa mukha ng mga kabayang dati’y nakasimangot.
At sa pagsabay sa You Changed My Life in a Moment
Financial crisis ay dagling nabaon sa limot.




Ika-14 Agosto 2009
Dubai World Trade Center
Dubai, United Arab Emirates

Thursday, August 13, 2009

Laban ng mga Naulila


Laban ng mga Naulila
Ni Amos Tarana


Kami na mga bayaning
sa ibayong dagat kumukuta
sumaksi sa pagdadalamhati
ng bayang sa ina ay naulila --
Inang nagpamalas
ng kagandahang nagpahina
sa lakas ng kamaong bakal
na sa sambayanan ay nagdusta.

Habang dalamhati
sa pagpanaw niya’y dinaramdam
kami na nasa tigang na lupain
ay may nais ipanawagan:
na buksan ang ating puso
at ang pumanaw na ina’y
dito bigyang buhay;
na luha sana’y pawiin na
at nang makita ang katotohanang
sa loob ng Malakanyang
ay buhay na buhay pa ang kalaban.



Ika-5 ng Agosto 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

Saturday, August 1, 2009

Tanong Lang


Tanong Lang
Ni Amos Tarana


16 bilyong dolyar nami’y nasaan na?
Halagang ipinadala
upang pagapang na ekonomiya’y
maisalba.
Pera itong pinagsikapan
ng mga abogadang
namasukan bilang sekretarya,
ng mga summa cum laude
na sa Dubai Mall
naging tindera,
ng mga guro
na sa arabong restawran
ay naging serbedora
at ng mga unico hijang
natutong magputa.
Punyeta!
Baka naman padala nami’y
naibulsa na.
Diyos ko po!
Huwag naman sana.



Deira, Dubai, UAE
Ika-30 Hulyo 2009


Saturday, July 4, 2009

Mabuti pa ang Bato


Mabuti pa ang Bato
Ni Amos Tarana


Mabuti pa ang bato –
matigas. Itapon man sa itaas
at sa lupa’y bumagsak –
‘di mababasag.

‘Di tulad ng aming loob –
marupok. Kapag si bunso’y
matisod at makalunok ng bilog –
loob nami’y madudurog.

Mabuti pa ang cash machine –
sagana. Sa maghapon magdamag,
labas pasok ang pera –
‘di pumapalya.

‘Di tulad ng aming bulsa –
laging walang lamang pera.
Ang kada-buwang pagsisikap –
ubos lahat sa padala.

Mabuti pa ang rebulto –
matatag. Sa gitna ng init,
lamig at sandstorm –
‘di natitinag.

‘Di tulad ng aming katawan –
maselan. Sa dahas ng panahon,
nagkakasakit at napapagod –
ulo ay napapanot.

Hindi kami bato, cash machine
o rebulto. Kami’y mga simpleng
tao – isang hamak
na OFW.




ika-30 ng Hunyo 2009
Al Satwa, Dubai

Tuesday, June 30, 2009

Pag-ibig na Nagbibigay Buhay


Pag-ibig na Nagbibigay Buhay
Ni Amos Tarana


Anong timyas ng pag-ibig kung ito’y katulad ng sa haring araw. Mainit, umaapoy at tunay na nagbibigay buhay. Liwanag nito’y nagbibigay tanglaw sa bawat pusong anino ay lumbay. Mapusok at walang takot na sinisisid ang lalim ng sintang dagat kahit na ikapapahamak.

Ang bagong bayani kung umibig ay walang humpay. Lumalagablab at sa mga minamahal ay nagbibigay buhay. Sa mga pangarap ng mga kaanak at buong sambayanan ay nagbibigay katuparan. Buong buhay man ay iaalay kahit na lunurin ng lungkot o kaya’y mabulid sa kamatayan.

Pag-ibig ng bagong bayani ay katulad ng sa haring araw. Nagbibigay ginhawa sa sambayanang naghihirap at pinahihirapan. Buo ang loob at walang takot sa pakikipagsapalaran. Ilang dagat man ay tatawirin makapag-uwi lang ng Dirham.


21 Disyembre 2008
Kish Island, Iran


Sunday, June 21, 2009

Habang Kayo’y Namamahinga: Para Sa Aking Mga Kababayan Sa Gitnang Silangan


Habang Kayo’y Namamahinga: Para Sa Aking Mga Kababayan Sa Gitnang Silangan


Ang buhay na hindi sinusuri

ay buhay na hindi isinasabuhay.

- Socrates



Salamat naman at Biyernes na
Araw ng inyong pamamahinga
Kayo nang matulog sa maghapon
Damhin ang lambot ng inyong kutson

Habang sa ating sariling bayan
Mga mamamaya’y nangangamba
Isinusulong na naman kasi
Itong Cha-Cha ni Gng. Gloria

Kaya aking mga kababayan
Kung kayo’y ‘di naman inaantok
Ano kaya’t buksan ang DVD
At manood ng pelikulang bold

‘Yaan nang maisakatuparan
Nitong mga ganid na tongressman
Ang ConAss na pinagtatalunan
Na sila lang ang makikinabang

Pagkatapos n’yong manood ng bold
Sa Simbahan kayo ay magtungo
Ipagdasal ang inyong pagyaman
Harinawang kayo’y mapagbigyan

Gobyerno nama’y walang pag-asa
Ang gumiginhawa’y sila-sila
Parliamentary form of government
Ang sa ngayo’y pinapangarap na

Pagkatapos ng Banal na Misa
Sa Mall naman ay dumiretso na
Doo’y kumain ng masasarap
Bilhin lahat ang pinapangarap

Pagkilos ng Bayan sa lansangan
Huwag n’yo na ‘yang pakialaman
Kalsada’y lalong nata-trapik lang
Mahawa pa sa A(H1 N1)

Pag-uwi sa bahay galing sa Mall
Tumabi sa ‘yong kinakasama
Sa kanya’y yumakap nang mahigpit
At sabay na mamasyal sa langit

Habang si Gloria ay nakangiti
Sa kanyang isipa’y sinasambit
‘Malapit na. Ayan, malapit na.
Pantasya ko ay matutupad na.’




19 Hunyo 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

Monday, June 15, 2009

Ang Kaibigan Kong si Mashreq


ANG KAIBIGAN KONG SI MASHREQ
Ni Amos Tarana


Maghapon,
magdamag ay nakatayo
sa tabing kalsada.
Sa kanyang trabaho
kahit minsa’y ‘di pa
nagpahinga.
Sa aking mga kababayan
siya’y namimigay
ng pera.



10 Hunyo 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

Aba, Aba, Aba


Aba, Aba, Aba: Tulang pambata na dapat munang mabasa ng mga matatanda
(Nang makarating ang KH-HK et al Sex Scandal sa Dubai)
Ni Amos Tarana


Aba, aba, aba
Ang bata, ang bata,
Ang bata, nadapa
Nadapa, nadapa
Nadapa ang bata

Aba, aba, aba
Ang ina, ang ina
Ang ina’y lumapit
Lumapit, lumapit
Lumapit ang ina

Aba, aba, aba
Ang inang lumapit
Nagalit, nagalit
Nagalit sa bata
Sa batang nadapa

Aba, aba, aba
Minura ng ina
Ang ina’y nagmura
Minura ang bata
Ang bata ay minura

Aba, aba, aba
Ikaw ay tatanga-tanga
Tatanga-tanga, tatanga-tanga
Ang mura ng ina
Ang ina’y nagmumura

Aba, aba, aba
Nasugatan ang bata
Nasaktan ang bata
Ang bata, ang bata
Ang bata’y nadapa



30 Mayo 2009
Al Satwa, Dubai, UAE

TXT BCK PLS


TXT BCK PLS
ni Amos Tarana



Unang linggo ng buwan:

Kmusta n kau jan s pinas?
Ntanggap nyo nb pdala ko?

Tit titit tiiit tiiiit…

Yayaman ka! Win
P 100,000 dis week!
Dahil nag Share-A-Load ka

Pangalawang linggo ng buwan:

Kmusta n kau jan s pinas?
Ano blita?

Tit titit tiiit tiiiit…

Sa P10, ligtas pamilya mo!
P10,000 accident insurance,
15 days. Txt PHILAM AKSI ON

Pangatlong linggo ng buwan:

Kmusta kau jan s pinas?
Oks lng b kau, may prob b?

Tit titit tiiit tiiiit…

Dear SMART Gold customer,
Welcome to UAE and thank
you for choosing du.

Pang-apat na linggo ng buwan:

Kmusta n kau jan s pinas?
Ba’t di kau ngrreply s txt ko?

Tit titit tiiit tiiiit…

Sumahod knb?
Dagdgan mo pdala ngaun ha.
Gusto ko bmili ng iPod s SM.



28 Mayo 2009
Deira, Dubai, UAE

Filipino Time: Kung Paano Ko Hinabol ang Alas-Otso




Filipino Time: Kung Paano Ko Hinabol ang Alas-Otso

ni Amos Tarana




7:15 ng umaga.
Kalalabas ko lang sa pintuan
ng bahay. Kailangang makarating
sa opisina bago mag-alas
otso. Patakbong pumunta
sa Al Satwa bus station. Tagaktak
ang pawis habang nakapila sa sakayan.
7:25, wala pa ring dumarating na bus.
Kaaalis pa lang daw kasi ng isang bus
sabi ng ginoo sa unahan ko.
Heto na, may paparating…
Isa-isang sumakay ang mga pasahero.
Limang tao na lang, ako na.
Ihahakbang na ang paa
paakyat sa bus ngunit biglang
nagsara ang pinto.
Puno na. Maghihintay na naman ulit.
7:30, kailangang ko nang gumawa
ng paraan. Pumara na ako
ng taxi. Bilisan -- sabi ko sa drayber.
7:50, nasa Maktoum bridge pa lang.
90 kph na ang takbo ng taxi…
Tanaw ko na ngayon ang bubong
ng gusali namin. Nasa Deira na ako.
Pagbaba sa taxi, pasok naman sa
Lift…
1
2
3
4
5
6
7
8
9
Teng!
Pagbukas ng pinto,
7:59 na ng umaga.




26 Mayo 2009
Deira, Dubai, UAE

Sa Kandungan Mo




Sa Kandungan Mo
ni Amos Tarana



Sa kandungan mo kami’y inampon
Sa iyo kami’y malaya --
Malayang sa labi’y magkamantika.
Madalas mo kaming awitan ng panalangin
Sa madaling araw…
Sa tanghali, hapon at gabi.
Sa lansangan mo’y masisilayan
Ang kakaibang palamuti:
Mga hita, braso, dibdib at likod.
Ngunit sa piling mo’y nahihirapan huminga
Bakit kasi may inampon pang iba --
Ang mga lahing amoy paa.
Kami tuloy ngayon ay nangangamba
Ito kasing iba mo pang ampon
Kapag nanggigil, kami ang pinipisil.
Ah! Ano pa bang magagawa?
Ikaw na ang aming bagong tahanan
Al Satwa.



19 Mayo 2009
Al Satwa, Dubai, UAE


Ang Aking Mahiwagang Maleta


Ang Aking Mahiwagang Maleta
(Tulang pambata na dapat munang mabasa at maisaulo ng mga matatanda)
ni Amos Tarana




Ilalagay ko sa aking Mahiwagang Maleta
ang mga kalabaw sa Dubai
na ‘di natitinag ang kaluluwa
kahit na nga nabubungaran lang
ang paghihirap ng kapwa.

Ilalagay ko sa aking Mahiwagang Maleta
ang mga kamelyong
gatinga kung magpasahod,
iyong madamot magbigay ng Working Visa,
lalo na yaong mahilig manakit
at nananamantala.

Ilalagay ko rin sa aking Mahiwagang Maleta
ang pangulong kapit tuko
pati bundat niyang asawa,
ganun din ang mga kahayop niyang
leon at buwaya
na malakas lumamon sa ating grasya.

Ang aking Mahiwagang Maleta
ay gawa sa rehas,
kasinlaki nito ang Malacañang Palace,
hindi masisira sapagkat napakatigas --
ang sinumang ipapasok ko rito
ay hindi na kailanman makakalabas.

Ikakandado ko ang aking Mahiwagang Maleta,
tatalian ng kadena at saka itatapon doon…
sa pinakamalalim na dagat.
Upang bukas,
wala nang maglilikot, wala nang mananakot,
matutupad na ang ginhawa.



Deira, Dubai, UAE
26 Abril 2009

Si "K" -- Isang Kaibigan


Si "K" -- Isang Kaibigan
ni Amos Tarana



Siya ang kasama ko sa silid
na madilim.

Umagapay sa malaong
pag-iisa,
nagsabit ng kapayapaan

sa aking leeg. Lumagot

sa mga tanikala:
asawang kumapit sa iba,
nagkandadong kompanya.

Siya ang naghatid sa akin
sa liwanag.




Al Satwa, Dubai, UAE
25 Abril 2009

Sa Ilalim ng Bagong Buwan




Sa Ilalim ng Bagong Buwan
ni Amos Tarana


Ako kaya’y magbabago na rin? Hindi.
Hindi tulad nila, na ang buong katawa’y
binabalutan na ng itim na tela –
pati na mukha.
Hanggang sa mga mata na lang
at mga palad
ang matirang nakikita.
Sila, na ang ipinapabango na’y insenso
at nagpipinta na ng itim na tinta
sa mga kamay.
Sila na aking mga Kababayan,
na kapag naharap sa kagipitan,
ang bagong bukambibig ay…
Ash – hadu an la illaha illal-lah!



Deira, Dubai, UAE
22 Abril 2009

Ang Pangarap ng Pugot na Ulo


Ang Pangarap ng Pugot na Ulo
ni Amos Tarana


May pugot na ulong nakabilad sa disyerto
dilat ang kanyang mga mata, duguan ang mukha at nakabuka ang bibig.
Mayamaya pa’y matatabunan na siya ng mga buhanging ginugulo ng hangin.

Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.

Noong siya ay namamasukan sa amo niyang manyakis.
Nagising siyang may palad sa bibig, sa ari niya ay may kalbong nakaumang – galit.
Siya ay nanlaban. Ngunit ang demonyo’y malakas, leeg niya’y tinagpas.

Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.

Noong sa Pilipinas siya’y umalis at sa bansang mabuhangin ay nakarating,
nalamang huwad ang kabayang nangako na sa trabaho siya’y ipapasok.
Naloko na, itinakbo na ang kanyang inutang na pera.

Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.

Noong naghahanap siya ng mapapasukan sa sariling bansa ngunit walang makita.
Kahit na nga tapos naman sa pag-aaral at maganda. Kahit na nga madalas ibalita
Ng pangulong ekonomista na sa poder niya ang bansa’y gumiginhawa.

Hindi ito ang kanyang pangarap.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata at mga nakaraan ay binalikan.

Noong kasama niya sa pagkain at katabi sa pagtulog ang mga minamahal na anak. Noong hinahaplos ng kanyang asawa ang kanyang buhok, ang kanyang mukha
at dinadampian ng pag-ibig ang buo n’yang katawan.

Ito, ito ang kanyang pangarap.
Mariin niyang ipinikit ang kanyang mga mata at sinikap na dito manatili.



Ras Al Khaimah, UAE
Ika-15 ng Abril 2009

Sunday, June 14, 2009

Bagyong Alikabok


BAGYONG ALIKABOK
ni Amos Tarana



Natibag ang pangarap ni Juan
Sa hampas ng balitang:
Phillipines, No.1 Corrupt Country in Asia!
Sundan pa ng mababang pasahod
Na sa sikmura’y nagpakalam
Kawalang oportunidad
Na sa lalamuna’y nagpatigang
At pagkabaon sa utang
Na hindi mabayad-bayaran.

Kaya’t nang ang saltasyon ay nag-anyaya
Ayaw man ng loob
Sa bugso ng hangin
Siya’y pikit matang sumama.
At habang nasa sa himpapawid
Ang bulong niya’y:
“Ayaw ko nang magbakasakali pa
Level-up na ang pakikipagsapalaran
Praise the Lord, Insha’Allah, Thy will be done!”

Sa Middle East ay napadpad
Ang kawawang si Juan sa “Sin City”
Ay ga-gabok na bumagsak.
Sinalo ng mga Kabayang nagtitiis sa dusa
Nagtitiyaga sa rahas ng kapaligiran
Pati na sa amoy ng mga Pana at Patan.
Dahil ang mga kabayan ay nadagdagan na naman
Mga Arabo’y hindi na magkakitaan.

Habang sa Pilipinas na pinagmulan
pagyaman ni Henry Sy ay ‘di na mapigilan.
Kawasa’y ang “You’ve got it all”
Ang nagmistulang imbakan
Ng pinagtiisan, pinag-ipunan
Pinagpagurang Dirhamo
Na Winestern Union ni Juan.
Syempre pa’y sa hatian ng padala
Ay hindi rin magpapalamang
Ang dakilang bugaw [ng mga pataba]
Sa lupaing nakabuyanyang.

Si Juan naman ngayo’y
Sa TFC nakasubaybay
Nakikipag– Hep Hep Hooray!
Sa mga naiwang kababayan.
Tanong at hiling niya
Sa mga gumigiling-giling:
“Hanggang kailan tayo aasa
Sa pangakong House and Lot?
Jaldi-jaldi! Kilos na mga kabayan!
Ang bagyong alikabok, sa 2010
Pagkaisahan nating hadlangan.”





Ika-12 ng Marso 2009
Deira, Dubai, UAE

Resisyon sa Dubai


Resisyon sa Dubai
ni Amos Tarana


Sumampa sa mga daungan ng UAE
Ang pamatay pag-asa’t pangarap na lamig.
Na nanunuot sa matatayog
At makikinang na gusaling
Nakahilera sa Sheikh Zayed Road.

Makikitang ang mga Kabayan
Kasunod ang iba pang dukhang lahi
Naglalabasan sa mga gusali.
Ang iba’y mula sa bintana bumubulusok
Pagkabalisa, pag-aalala’t pagkatakot
Ang sa mukha’y bumabalot.

Kawasay palamuti sa loob ng mga gusali
Ay mga papel na nakapaskil, nagbabanta,
Nananakot, laman ay: LAST IN, FIRST OUT!
May mga babalang nakasilid din sa sobre
Na ang pagbati’y sorry to inform you...

Dumami tuloy ang napilitang magbasa
Ng Classified Ads at bumaha na rin
Ang mga Curriculum Vitae sa internet.
Naging madasalin, mabait at masipag ang karamihan
kaya’t Biyernes sa mga Simbahan, himala’t siksikan.

Krisis na dala ng taglamig, sanggain man
Ng ga-trak na panalangin, ‘di mapatid-patid,
‘Di maiwas-iwasan, ‘di mahadlang-hadlangan.
Abangan na lang kaya ang panahon ng tag-init
Baka sakaling Haring Araw ay magdala ng
Bagong trabaho na bubura sa mga panganib.



Al Satwa, Dubai
31 Enero 2009

Pakiusap Sa Asawang Naiwan


Pakiusap Sa Asawang Naiwan
ni Amos Tarana



Aking dilag na nasasalamin
Sa mala-kristal na buwan
Pakinggan sana itong daing
Na ipapakisuyo
Sa malamig na ihip ng hangin

Ako sana ay pakamamahalin
Nang buong timyas
Buong laya at buong tapat
Tulad ng pag-sinta ni Bonifacio
Sa Inang tinubuang lupa

Habang sa iyo ay nakatingala
Mula sa buhanginang makulay
Hindi maiwasang manalangin
Mangarap at sa puso mo ay
May ipakiusap

Na huwag sanang mainip
Sa aking muling pagbabalik
Sa halip ay magsikap
At walang tigil na mangarap
Lungkot ay indahin ni anupang hirap

Dito ako’y nakikibaka sa pagtitiis
Mga tinik ng rosas ang tanging yakap
Pasan ay ang nasimulang pangarap
Habang sa buwan ay nakasilip
At pilit minamadali ang bukas



Ika-14 ng Pebrero 2009
Al Satwa, Dubai

Bagong Bayani



Bagong Bayani
ni Amos Tarana


Bansang nasanla
sa dilim ng pighati
at paghihikahos.
Pinahamak
ng mga pinunong
sa pangako ay napako.
(Sa pagkakautang
ngayo’y hanggang leeg
nakabaon)
Sa ibang lupain
binalak na pangarap
ay bigyang ilaw.
Nagkawatak-watak
pamilyang iniingatan
minamahal.
(Pagkaalipin ay tiniis
sa hirap at pasakit
naging manhid)
Sariling pangangailangan
at mga luho’y kinalimutan.
Mabawi lang ang bansa
at minamahal
sa pagkakautang.
(Nagparayang
ang sarili
sa sambayanan
ay mailaan)
Hinirang na bagong bayani
ng pamahalaang bugaw.
Dinakila sa salita
ngunit kailanma’y
hindi sa gawa.
(Hinayaang mabitay,
makulong
at paulit-ulit na gahasain)
Bagong bayani
kailan kaya makakaahon
at makakabawi?
Hanggang kailan kaya
magtitiis sa hirap
at mga pasakit?
(Upang ginhawa
ay tunay nang maranasan
at makamit)




Ika-20 ng Disyembre 2008
Farabi Hotel
Kish Island, Iran

Pasko Na! Ako'y Uuwi Na!


Pasko na! Ako’y Uuwi Na!
ni Amos Tarana



Pasko na! Uuwi na ako sa Pilipinas
Magdadala ako ng maraming pasalubong – mga damit
Laruan, tsokolate, mamahaling alak at mga sabon

Makakapiling ko na sa wakas ang aking mahal na asawa
Magulang, mga kapatid, mga pamangkin at iba pang kaanak
Mamamasyal kami sa mall at mamimili ng mga gamit

Makikita ko na ang aking mga kaibigan
At magdamag na uubusin ang mga San Mig sa Timog
Habang pinagbabahaginan ang mga bagong karanasan

Maririnig ko na ulit ang mga batang nangangaroling
Makakapagsimbang gabi, kakain ng bibingka at puto bumbong
Pagsasaluhan sa noche buena ay spaghetti na maraming keso

Pasko na! Masarap damhin ang malamig na simoy ng hangin
Masarap mangarap, nakapagpapangiti sa malungkot kong mukha
Sana nga, kahit ngayon lang, kahit saglit lang, ay makauwi na




Kish Island, Iran
17 de diciembre de 2008

Pasko ni Kabayan


Pasko ni Kabayan
(Istranded sa Kish Island, Iran – Part III)
ni Amos Tarana



Ang mga magkakapamilya ay nagkikita-kita
Himig pasko ay inaawit, nagmamano sa mga
Ninong at Ninang pati na sa mga Lolo’t Lola

Gumigising ng maaga sa batingaw ng kampana
Ang mag-anak kasama mga kaibigan ay nagsisimba
Kumakain ng puto bumbong at bibingkang may salabat

Paligid ay maliwanag dahil sa mga Christmas light
Mga parol sa bintana ay nakasabit, iba-iba ang kulay
Iba-iba ang hugis. Umaalingawngaw putukan sa paligid

Masarap ang nakahain sa mesa, pagsasaluhan sa noche buena
Keso de bola, spaghetti, hamon, tinapay at marami pang iba
Magdamag ang kuwentuhan, magdamag din ang inuman

Ngunit ang lahat ng ito, sa puso at isipan ni kabayan
Ay alaala na lamang, sinasariwa, dinadama, pinapantasya
Pasko ni kabayan, sa gitnang silangan, malungkot at nag-iisa



Kish Island, Iran
24 de diciembre de 2008

Panalangin Bago Mamatay


Panalangin Bago Mamatay
ni Amos Tarana


Sa pag-upo sa eroplanong tora-tora
Pinanood ang babaeng nagmumustra
Ikinabit ang sinturon at sa sarili’y bumulong

Panginoon, sa aking muling paglipad
Iadya sa anumang masama, lalo na’t madilim
At mukhang panahon ay nagbabanta

Eroplano ay umangat, umalog-alog
Wari bang nanginginig at natatakot
Na baka sa himpapawid ay ‘di umabot

Panginoon, huwag sanang ipahintulot
Ngunit kung ito na ang panahon
Ang kalooban mo ang s’yang masusunod

Biglang gumuhit ang kidlat, sinundan ng kulog
Eroplano’y parang nagitla at muling umalog
Na parang bolang tumatalbog-talbog

Panginoon, ang aking asawa’y pakaingatan
Pagkalooban ng kanyang mga kailangan
Kahit na maging bagong asawa man

Napasigaw ang ilan sa pagliwanag ng paligid
Muling narinig ang mas malakas na kulog
Eroplano’y gumewang na parang umiilag-ilag

Panginoon, ang aking ina’y gagabayan
Mga kapatid ko’y papatnubayan
Sila’y ililigtas sa hirap, dalhin sa kaginhawaan

Madilim ang paligid, masungit na ang panahon
Kabado na ang karamihan
Nakikiramdam, tahimik na nagtitinginan

Panginoon, sa mga kaibigan ako ay
Ipagpaalam. Ikaw ang sa kanila’y gumanti
Sa ipinamalas nila sa aking kabutihan

Mahigpit na napahawak sa upuan, napa-
Hesusmaryosep! Ang eroplano’y bumabagsak
Para bang hinihila na ng dagat

Panginoon, bansa ko ay huwag ipapaubaya
Sa kamay ng mga ganid na tagapamahala
Mga aba’y sa kahirapan bigyang ginhawa

Sikmura’y parang babaligtad, sa pagkakaupo
Ay napapaangat. Malayo pa ba ang lupa?
Kaluluwa’y nais na yatang lumaya

Panginoon, sa aking mga kasalanan ay
Patawarin at pagkukulang ko’y unawain
Bangkay ay mahanap at sa Pilipinas ilibing

Kumalabog ang eroplano, sa wakas ay
Sumayad na ang gulong! Nagkatinginan
Ang lahat, naghihiyawan at nagpapalakpakan

Panginoon, salamat at kami ay buhay pa
Nakangiti at buo pa. Bagong buhay ay
Pagmamalasakitan, ialay sa iyo at sa bayan

Napalingon sa maliit na eroplano, salamat
At mabuhay ka pero sana sa iyo ay huwag
Nang muling makaranas na makasakay pa



2 Disyembre 2008
Dubai papuntang Kish Island, Iran

Buhay Exit


Buhay Exit
(Mula sa Pinas tungong Dubai hanggang Kish Island, Iran)
ni Amos Tarana


Kahirapan sa bansa
kay kabayan ay nagtutulak,
upang maglakas-loob
na mangibang bansa.
Pikit matang makikipagsapalaran
sa ibayong dagat,
matupad lamang
ang mga minimithing pangarap.

Ngunit trabaho sa ibang bansa
ay sadyang mailap,
lalo’t ekonomiya ng mga bansa
ay bumabagsak.
Tulad na lang halimbawa
sa bansang UAE,
tanggalan at pahirapan sa trabaho
ay laganap.

Kaya mga kababayang Pinoy
sa krisis ay naiipit,
expiration ng mga (Visit/Tourist) Visa
ay sumapit.
Tuloy kinailangang sa Kish Island,
Iran ay mag-exit,
mag-aapply ng panibagong Visa,
nang sa UAE makabalik.

Dinadatnan sa Kish Island
ay mga punuang hotel (tenement),
mga kabayang na-multiple
at malaon nang istranded.
Kaya mga bagong dating
ay napilitang makisiksik
kaysa naman sa tabing dagat
mamatay sa lamig.

Kultura ng mga Iranian
ay kakaiba
kung sa atin ikukumpara.
Pagturing sa kabayan
ay hindi tulad nang sa bisita
o turista.
Napakaraming bawal,
nandiyan nang paghigpitan
at pagbantaan.
Habang sa pera ni Kabayan
sila ay nagtatamasa –
nagpapasasa.

Pagkaing iniaalok
ng mga restaurant
ay kakaiba rin.
Dahil sa halos wala itong lasa,
suwerte na kung maalat --
kadalasang ulam ay manok,
iba-iba lang ang luto.
Libre nga ang almusal
ngunit sa gilagid nama’y
nakakasugat.

Kaya naman si Kabayan
ay sagad na sa inip at pagkalungkot.
Wala nang pangkain
maski pambayad sa tinutuluyang hotel.
Ang iba’y nababaliw na
o kaya’y nakakaisip nang magpakamatay.
Iba nama’y muli na namang napapaibig
at natututong manligaw.

Upang makatipid
ay nagtulungan at nagdadamayan.
Husay sa pagluluto
at diskarte sa buhay ay pinamamalas,
kaya makikitang kumakain
at nagluluto sa tabing dagat.
Pagkaing pinagsasaluhan
ay pinasasarap ng pinagsamahan.

Upang matanggal ang inip
at makayanan ang lungkot,
sa Shishahan ay magdamag
na nagkukuwentuhan.
Mga problema at kaalaman sa buhay
ay pinag-uusapan.
Salita ng Diyos ay gabi-gabing
Pinagbabahaginan.

Kaya’t anumang hirap
sa kulungang Kish Island,
anumang pasakit, pagkainip
at lungkot ang pagdaanan --
ang ngumiti, tumawa,
makisaya ay nakakayanan pa
‘di malalagot ang pag-asang
bukas ay darating na ang visa.

Tunay na buhay ni Kabayan
sa pag-exit ay mahirap,
lalo na’t yaong mahigit
isang buwan nang sa Kish nakatengga.
Buti na lang at sadyang itong si Kabayan
sa dugo ay may agimat:
Madiskarte, Masayahin
at sa Magandang Samahan ay tapat.



25 Disyembre 2008
Farabi 1 Hotel
Kish Island Iran

Turistang Hindi Mapakali


Turistang Hindi Mapakali
(Istranded sa Kish Island, Iran – Part Two)
ni Amos Tarana



Gumigising ng maaga
upang mauna sa paligo
bago maubos ang mainit
at malansang tubig na inipon
sa maliit at kinakalawang na timba.
Mayamaya’y pipila na ulit
upang matikmang muli
ang limbreng almusal
na nakabalot sa plastik bag –
lama’y isang istayropor na baso,
tsaa na di maunawaan ang lasa,
kapiranggot na palaman
at ang nakakapanugat
gilagid na tinapay
na kilala sa katawagang
“tsinelas”.

Pagkatapos mag-almusal
ay magsisindi ng sigarilyo,
sa bawat hithit ay aalalahanin
ang kalagayan ng mga mahal
sa buhay sa pinas,
ang trabahong naiwan
na sigurado’y tambak na ulit
kapag binalikan
at ang mga mabubuting
kaibigan na nagpahiram
ng perang pambaon.
Sa bawat buga’y
isinasabay sa usok ang pag-sambit
ng mithiing “sana ay mailabas na
ang pinakahihintay
na employment (o tourist )visa”.

Makikibalita sa mga kasama
sa kuwarto kung ano na ang kalagayan
ng kanilang hinihintay na visa.
Makikisaya kung may kasamang
Nakatanggap na ng visa
at kung hindi naman
ay makikipagyabangan
sa kausap at sasabihing
“Wala ka sa akin,
isang buwan lang kasi inabot mo dito.
Ako, dito na yata ulit makakapag-asawa.
Pangalawang buwan ko na kasi ngayon dito”
Sabay tatawa at ituturo
ang bulsang wala nang lamang pera.

Kaya’y magtitiyaga na lang muna
sa pamimingwit ng maliliit na isda
sa dagat upang may mailuto
at makain sa pananghalian,
suwerte kung may matira
may pagsasaluhan sa hapunan.
Makikipagkaibigan sa mga kabayang
bagong dating baka sakaling
makatagpo ng nakakaunawa at mapera –
iyong tipong nagpapautang
at nanlilibre sa pagkain.
At kung walang makita
ay surot sa kama, upuan at kurtina
na lang ang hahanapin at pagdidiskitahan.

Matutulog, gigising, kakain,
Makikipagkuwentuhan maghapon magdamag,
maghahanap ng duduruging surot,
mamimingwit ng maliliit na isda,
magsisindi ng sigarilyo,
maghahanap ng mga bagong kaibigan.
Magbababad sa shishahan,
titikman ang lahat na flavor,
hihithitin ang makapal
ngunit maputing usok,
at sa pagbuga nito ay isasabay na rin
ang lungkot, sama ng loob,
pagkainip, problema
at panalangin na sana’y
dumating na ang visa
at sa islang ito ay makalaya na.



Farabi Hotel
Kish Island Iran
Nob. 1, 2008

ISTRANDED


ISTRANDED
(Ilang tagpo sa buhay ng pinoy sa pag-exit sa Iran – Part 1)
ni Amos Tarana


Inihanda ni Kabayan
ang ilang pirasong damit
kaunting pagkain --
pambaon sa kanyang
pag-exit sa bansang Iran.
Upang visit visa
ay mapapalitan
at nang pananatili sa Dubai
ay madugtungan.

Isa, dalawa, tatlo, apat
sanay huwag umabot
ng limang araw
ang pananatili ko sa Iran.
Kaunti lang kasi
ang dala kong Dirham.
Baka kulangin
Sa pambili ng pagkain
at pambayad sa tutuluyan.

Mula sa Dubai airport
ay sumakay si kabayan
sa eroplanong may dadalawang elisi,
singlaki lang ng bus
at mahigit kumulang singkuwenta
katao lamang ang maaaring ilulan.

Diyos ko, hindi pa sana ito
ang aking katapusan.
Ngunit bakit sa himpapawid
umuuga, lumilindol
ang eroplanong sinasakyan.
Makarating nawa
Ng kumpleto at buhay
sa bansang nais puntahan.

Sa Iran ay mga punuang hotel
ang kanyang dinatnan.
Walang kuwarto
ang maaring agad na matuluyan.
Kaya kailangan munang maghintay
ng ilan pang oras
sakaling may kamang mababakante
para mapagpahingahan.

Kung sa Pilipinas
sobra na ang populasyon,
ganun din pala
ang kalagayan dito sa Iran.
Maraming istranded
na kababayan sa mga hotel,
sa isang kuwarto nagsisiksikan.
Sana’y mayroon nang makaalis
upang maihimlay na
Ang pagod na katawan..

Malungkot ang dinatnang lupain sa Iran.
Mas malawak ang disyerto
kaysa sa mga kabahayan.
Tabing dagat at maliliit
na malls lang ang maaaring pasyalan.
Kanin ay maanta
Sa handang ulam sa restawran
ay siguradong ikaw ay magsasawa.

Wala na bang ibang pang-ulam?
Wala na ngang ibang
pagpipilian pa.
Nangangati na ako
pero walang magagawa
hindi puwede ang ulam na baboy
kaya sa ulam na manok
ay kailangang magtiyaga,
hindi puwedeng magsawa.

Dahil sa paghihigpit
ng pamahalaang UAE,
visa ng mga kabayan ay naaantala.
Kaya karamihan ay inaabot
na ng isa o dalawang buwan.
Aplikasyon sa Visa ay narereject
tuloy butas ang bulsa ng mga kabayan,
kawawa naman.

Narinig kong karamihan
ay wala nang pera
para pambayad sa hotel
at pambili ng pagkain.
Nabaon na sa utang,
cell phone at gamit ay naibenta na.
Wala nang ibang maasahan
kaya pati katawan
ay ikinakalakal na.

Hanggang kailan kaya
ang gagawing pagdurusa
at sa Visa ay paghihintay.
Bakit ang pamahalaang pinas,
mga bayani niya ay pinababayaan,
walang malasakit, walang pakialam.
Sana bukas o mamaya,
visa ni kabayan, kanya nang makamtan.



Kish Island, Iran
30 Setyembre 2008

Monday, June 1, 2009

Sa Likod ng Kurtinang Dingding


Sa Likod ng Kurtinang Dingding
ni Amos Tarana

Walang ibang saksi sa iyong
matagal nang pighati, pagdurusang
mabigat, mga luha at hinagpis.

Itago man sa mga kasama,
ang mga bakas ng pait, kahit pa
mga karanasang malulupit.

Maging tampuhang mabibigat,
namumuyos na galit – tampok sa
pag-iibigang away-bati.

Hindi rin maitatanggi, mga maiinit
na halik, yakap na kay higpit --
na nauuwi sa matahimik na pagniniig.

Pagkakasya ng sahod, na pambayad
sa utang, pampadala sa ‘pinas, at pambili
ng personal na pangangailangan.

Mga pag-asang pumanaw, pangarap na
nanakaw, pangakong napako, at panalanging
ibinubulong sa paniniwalang matutupad.

Wala na ngang ibang saksi, hindi na
maikukubli: nakikita, naririnig,
nananatili, itinatago, pinakaiingatan…

Ng kulay kupas, malambot, at magaang
na ‘Kurtina’ sa iyong kama. Na kung saan
ikaw ay nananatiling nakakubli.




26 Agosto 2008
Al Satwa, Dubai, UAE

Job Hunting


Job Hunting
ni Amos Tarana


Tumatakbo ang oras, mabilis
Ang muling pagbilog ng buwan.

Kinapos na ang kalendaryo
Sa pagbibilang ng araw.

Tambak na ang mga pahayagan
Na pinaggugupit at sinalungguhitan.

Nasanay nang dumaloy at matuyo
Ang pawis sa pumapayat na katawan.

Namanhid na ang mukha’t balat
Sa napakarahas na init ng araw.


Pumurol na ang pang-ahit
At buhok ay nakatikim na ng gupit.

Kusa nang pumipinid ang ilong
Sa amoy ng Pana at Patan.

Bago na ang kobre kama sa mataas
Na kamang pahingahan.

Ngunit wala pa rin, trabaho’y
Mailap pa rin at hindi masundan.

Bukas sa pangalawang buwan
Kahit na araw na ng Ramadan,

Maghahanap, mangangarap,
Patuloy na makikipagsapalaran.

Walang sawang ipapanalangin
Na trabaho’y umamo na’t makamtan.




Ika-1 ng Setyembre 2008
Unang Araw ng Ramadan
Al Satwa, Dubai, UAE

Sunday, May 31, 2009

Sa tatlo at may limang dipang silid


Sa tatlo at may limang dipang silid
ni Amos Tarana
Bahay silungan,
bahay pahingahan kung ituring.
Silungan sa init,
kumot sa lamig,
himlayan ng katawang
sala sa init, sala sa lamig.

Puno ng gamit, lima ang kabinet,
may mga malalaking bag at karton,
isang telebisyon,
dalawang refrigerator
at apat na kamang double deck.
Dagdag pa ang mga abubot
at personal na gamit.

Labing isa ang nanunuluyan,
may mga mag-aasawa at magkakaibigan,
lima ang mga babae,
anim ang mga lalake – nagsisiksikan,
tabi-tabi sa higaan.
Nag-uunahan – bawal ang mabagal
sa nag-iisang palikuran.

Maliit man ang silid,
malalaki man ang mga gamit,
walang magagawa
kahit mukha’y magkapalit-palit.
Kailangan lang magkasya
ang kakarampot na kita
[para pang-ambag sa upa]
at nang sa ’pinas ay may maiuwi pa.



Al Satwa, Dubai, UAE

Agosto 2008

Pakikinig sa Sarili


Pakikinig sa Sarili

ni Amos Tarana




Sa katahimikan ng aking isip

Umalingawngaw ang
Malaon nang hibik
Ng aking puso

Sa katahimikan ng aking isip

Napakinggan ko ang sarili na
Lumilikha, bumubuo
Ng tugtugin

Sa katahimikan ng aking isip

Nawari ko ang hinahangad
Ng maliit at nakagapos
na tinig sa aking loob

Sa katahimikan ng aking isip

Nakita ko ang sarili na
Nagsusulat ng mga
Tula at kuwento

Sa katahimikan ng aking isip

Naunawaan ko ang hinagpis
Na pilit na isinasaisantabi
Ng buhay mahirap

Sa katahimikan ng aking isip

Naramdaman ko ang tuwa
Sa pagsilip at paglikha
Ng mga larawan

Sa katahimikan ng aking isip

Naging kaisa ko ang sa akin
ay may gawa, ako’y naging
kanyang kamanlilikha

Sa katahimikan ng aking isip





2 Okt. 2008
Al Satwa, Dubai, UAE

Pikit Mata


Pikit Mata

ni Amos Tarana



Mga mata mo’y ipikit
Upang huwag makita
Ang aking paglayo

Mga mata mo’y ipikit
Upang huwag makita
Bigat sa aking puso

Mga mata ko’y ipipikit
Upang huwag makita
Ang pagtawid ng dagat

Mga mata ko’y ipipikit
Upang huwag makita
Ang paglipad sa kalawakan

Mga mata ko’y ipipikit
Upang huwag makita
Na sa iyo at sa bansa’y

…papalayo


02 Agosto 2008
Qatar Airways